Idineklara ng Palasyo ng Malakanyáng ang special non-working holidays sa ilang lokalidad sa bansa sa buwan ng Mayo.
Ito ay sa pamamagitan ng paglagda ng ilang serye ng proclamations bilang pagkilala sa kanilang mga kapiyestahan, anibersaryo at historical figures.
Sa bisa ng nilagdaang proclamation no. 849, idineklarang special non-working day ang Mayo 2 sa Bauan, Batangas para sa Sublian Festival, isang tradisyunal na selebrasyon na kilala para sa debosyon sa Banal na Krus at pagtatanghal ng katutubong sayaw na Subli.
Sa ilalim naman ng Proclamation No. 850, idineklara bilang special non-working day ang Mayo 5 sa Santiago, Isabela para ipagdiwang ang ika-31 anibersaryo ng siyudad.
Sa nilagdaan namang Proclamation No. 851, ino-obserbahan bilang holiday sa Kapangan, Benguet ang Mayo 5 bilang pag-alala sa anibersaryo ng kapanganakan ni Governor Bado Dangwa na isinilang noong 1905, isa siyang prominenteng opisyal noong World War II at nagsilbing Gobernador ng Benguet mula 1953 hanggang 1963.
Sa bisa naman ng Proclamation No. 852, itinakda ang Mayo 8 bilang special non-working day sa President Roxas, Cotabato para ipagdiwang ang ika-58 anibersaryo ng pagkakatatag ng munisipalidad.
Samantala, sa ilalim naman ng Proclamation No. 853, idineklara ang Mayo 9 bilang special non-working holiday sa San Jose, Negros Oriental para sa pagmarka ng charter day celebration ng naturang bayan.
Habang sa Proclamation No. 854 naman, idineklara ang Mayo 20 bilang special non-working holiday sa Uyugan, Batanes bilang paggunita sa foundation day nito.