-- Advertisements --

Labis na ipinagmamalaki ngayon ng Malacañang ang lumabas na resulta ng First Quarter Self-Rated Poverty survey ng Social Weather Stations (SWS) kung saan 38 percent ng pamilyang Pilipino ang nagsabing hindi sila mahirap.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, ito na ang bagong record-low poverty survey result mula noong Setyembre 2016 kung saan naitala ang 42 percent.

Ayon kay Sec. Panelo, pinapasalamatan nila ang mga economic managers ni Pangulong Rodrigo Duterte, gayundin ang mga miyembro ng Human Development and Poverty Reduction Cabinet Cluster, sa mga social welfare officers at barangay health workers sa walang kapagurang pagtatrabaho para mapabuti ang kabuhayan ng ating mga kababayan.

Iginiit pa ni Sec. Panelo na naitala ang nasabing magandang resulta ng survey noong panahon ng kampanya kung kailan kasagsagan ng umano’y mapanirang political propaganda ng mga kritiko ni Pangulong Duterte.

Inihayag ng opisyal na nananatiling on-track ang poverty reduction efforts lalo para sa mga pinakamahihirap sa lipunan kung saan target na mabawasan ang kahirapan sa 14 percent pagdating 2022 o katumbas ng pag-ahon mula kahirapan sa nasa anim na milyong Pilipino pagkatapos ng termino ni Pangulong Duterte.

“We underscore that self-rated poverty decreased in all geographic areas during the first quarter of 2019 and we thank everyone from the President’s economic managers, as well as the members of the Human Development and Poverty Reduction Cabinet Cluster, to the social welfare officers and barangay health workers for tirelessly making a positive impact on the socioeconomic lives of our countrymen. This, notwithstanding the divisive and destructive political propaganda war waged by the President’s critics and detractors during the campaign period for the midterm elections when the survey was conducted,” ani Sec. Panelo.