Inihayag ng Palasyo ng Malacañang na hindi basta-basta mapapatigil ang pamamahagi ng Ayuda para sa Kapos ang Kita Program o AKAP ngayong panahon ng kampanya.
Ayon kay Palace Press Officer Usec Claire Castro na maraming Pilipino ang umaasa sa naturang ayuda upang matustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Lalo na anya’t lumabas sa survey na maraming Pilipino ang nagugutom sa kabila ng iba’t ibang programa ng pamahalaan laban sa kagutuman.
Dahil dito, hindi raw agad-agad masususpinde ang distribusyon ng AKAP, lalo na’t maaaring umalma ang mga benepisyaryong matagal nang umaasa rito bilang pantawid sa pang araw-araw nilang pangangailangan.
Mababatid na nitong nakalipas na linggo, ilang grupo ang naghain ng petisyon sa Korte Suprema na humihiling ng temporary restraining order sa pagpapatupad ng AKAP dahil umano nagsisilbing congressional pork barrel.
Nito ring nakalipas na linggo, naglabas ang COMELEC ng certificate of exemption sa spending ban ngayong eleksyon sa ilang programa ng DSWD, kabilang ang AKAP program.