Nanindigan ang Malacañang na panghihimasok sa soberenya ng Pilipinas ang anumang imbestigasyon ng United Nations sa giyera kontra droga ng Duterte administration.
Reaksyon ito ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo matapos manawagan ang Iceland sa UN Human Rights Council (UNHRC) na silipin ang drug war sa bansa.
Ayon kay Panelo, masyado raw kasing nagpapaniwala sa maling mga balita ang mga nag-uudyok na siyasatin ang polisiyang ito ng gobyerno.
“Any move that will interfere with…the management of this country by a sitting president elected overwhelmingly by the people to our mind is an interference with our sovereignty,” wika ni Panelo.
“The problem with those who initiated it, they are believing in the false news, the false information, the false narratives initiated and spread by those who hate the President’s guts and political will,” dagdag nito.
Giit ng kalihim, walang karapatan ang ibang bansa na diktahan ang isang malayang bansa gaya ng Pilipinas.
Aniya, maayos na idinokumento ng mga otoridad ang mga operasyon hinggil sa anti-drug campaign, na sinasabing kumitil na sa buhay ng mahigit 6,000 umano’y drug dealers mula nang maupo si Duterte sa puwesto noong 2016.
Una rito, nagsumite ng draft resolution ang Iceland sa UNHRC kung saan hinimok nito ang lupon na bumuo ng komprehensibong ulat ukol sa human rights situation sa bansa.