-- Advertisements --

Binigyang-diin ng Malacañang na mas mabuting idirekta na lang ni dating Foreign Affairs Sec. Albert del Rosario ang tulong nito sa mga mangingisdang sakay ng bangkang binangga ng Chinese vessel sa Recto Bank na nasa West Philippine Sea.

Kung maaalala, pinabalik ni Foreign Affairs Sec. Teddyboy Locsin ang donasyon ni Del Rosario na tsekeng nagkakahalaga ng P500,000 na idinaan sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, dapat si Del Rosario na ang mismong mamahagi ng kanyang tulong sa mga apektadong mangingisda.

Ayon kay Sec. Panelo, para sa kanya, sana ay nagpunta na lang ang dating DFA secretary sa Occidental Mindoro ng walang nakakaalam at tahimik na lang na ibinigay ang tulong na pera.

Iginiit ni Sec. Panelo na hindi naman kailangang ipangalandakan pa kung nais mo talagang magbigay ng anumang tulong sa sino mang nangangailangan.