-- Advertisements --

Binigyang-diin ng Malacañang na hindi lamang binasa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Konstitusyon kundi inaral at kinabisado dahil isa siyang abugado at pumasa sa Bar examination kung saan kasama sa subject area ang Konstitusyon.

Tugon ito ng Malacañang sa naging pahayag ni Sen. Ping Lacson na dapat basahin ni Pangulong Duterte ang 1987 Constitution kung saan nakapaloob na may papel ang mga senador sa international agreements o tratado.

Nag-ugat ito sa naging pahayag ni Pangulong Duterte na walang pakialam si Sen. Lacson o sino man senador sa Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, walang kaduda-duda na ang pangulo o chief executive ang chief architect ng ating panlabas na pakikipag-ugnayan.

Ayon kay Sec. Roque, hindi man ito nakasaad sa Saligang Batas pero napagtibay na ito sa maraming jurisprudence o desisyon ng Korte Suprema.

Inihayag ni Sec. Roque na tama naman si Lacson na ang mga tratadong pinapasok ng Pilipinas ay kinakailangan ng concurrence ng Senado sa pamamagitan ng two-thirds vote para maging epektibo at ganap na batas.

Nilinaw naman ni Sec. Roque na ang VFA ay hindi tratado batay sa desisyon ng Korte Suprema sa Bayan vs. Zamora at Salonga vs. Executive Secretary, bagkus ito ay isang Executive act kaya may kapangyarihan ang Ehekutibo na ipawalang-bisa.