-- Advertisements --

Hinikayat ng Malacañang si dating Presidential Spokesman Harry Roque na kasuhan ang mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na sinasabing miyembro ng umano’y mafia sa loob ng ahensya.

Ginawa ng Malacañang ang pahayag kasunod ng paniwala ni Atty. Roque na maling mga pangalan o personalidad ang isiniwalat sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na sangkot sa matinding korupsyon sa PhilHealth.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, malaya si Atty. Roque na magsampa ng kaukulang kaso laban sa sinumang opisyal ng pamahalaan kung may hawak itong ebidensya.

Samantala, kaugnay naman sa panawagan ni Atty. Roque na buwagin ang PhilHealth, inihayag ni Sec. Panelo na sa Kongreso dapat itong iparating.

Sa panayam ng Bombo Radyo, tiniyak ni Atty. Roque na siya na nga mismo ang magsasampa ng kaso laban sa mga matataas na opisyal ng PhilHealth sa paniwalang may sapat itong ebidensya.