Binigyang-diin ng Malacañang na mayroon ng listahan ang pamahalaan ng pangalan ng mga Pilipinong unang mababakunahan ng COVID-19 vaccine sa oras na maging available na ito.
Pahayag ito ni Presidential Spokesman Harry Roque kasunod ng sinabi ni Vice President Leni Robredo na dapat maghanda na ang pamahalaan ng listahan para maiwasan ang aberyang naranasan noong namamahagi ng ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).
Sinabi ni Sec. Roque, nagpapasalamat sila sa suhestiyong ito ni VP Robredo pero gaya ng mga nauna nang pagkakataon, nagawa na ng pamahalaan ang mga dapat gawin, bago pa man ito imungkahi ng bise presidente.
Ayon kay Sec. Roque, matagal ng sinasabi ng Pangulong Rodrigo Duterte na ang mga pinakamahihirap ang mauuna o ang mga benepisyaryo ng 4Ps.
Mayroon din umanong listahan ang pamahalaan ng mga frontliners na kabilang din sa mga mauunang mababakunahan, gaya ng mga pulis, sundalo at mga medical frontliners.
Iginiit ng Malacañang na “10 steps ahead” si Pangulong Duterte bago pa man ang suhestiyong ito.