-- Advertisements --
Panelo
Presidential Spokesman Salvador Panelo

Nanindigan ang Malacañang na hindi pa rin papayag sa imbestigasyon ng isang international body kaugnay sa anti-illegal drugs war ng administrasyon.

Paninindigan ito ni Presidential Spokesman Salvador Panelo kahit pa lumalabas sa isang survey na taliwas ang kanilang posisyon sa pananaw ng mayorya ng mga Pilipino.

Sa pinakahuling Social Weather Stations (SWS) survey, lumalabas na 60 porsiyento o anim sa 10 Pilipino ang naniniwalang hindi dapat pinipigilan ng gobyerno ang imbestigasyon ng isang international body.

Sinabi ni Sec. Panelo, ang mga pahayag ng mga kritiko kasi ang posibleng basehan ng opinyon ng mga tumugon sa survey.

Muling nanindigan si Sec. Panelo na panghihimasok sa soberenya ng Pilipinas ang ano mang imbestigasyon sa labas ng bansa dahil gumagana naman aniya ang sistema ng hudikatura sa bansa.

“Sino ba tinatanong mo kundi iyong mga tao dito sa Pilipinas, eh kung naniniwala ka doon sa kabila siempre iyon na rin ang premise mo sa sarili mo,” ani Sec. Panelo.