Iginiit ng Malacañang na hindi na bago ang report ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) kaugnay sa umano’y paglaki ng yaman ng pamilya Duterte mula ng manungkulan sa gobyerno.
Nakasaad din sa report ang umano’y hindi rehistradong law firm, hindi nakadeklarang business interests at rice import deal sa mga creditor ng pamilya Duterte.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, ang yaman ni Pangulong Rodrigo Duterte at miyembro ng pamilya nito ay laging paboritong iniuulat ng media tuwing panahon ng kampanya.
Pero ayon kay Sec. Panelo, kaduda-duda ang timing ng report lalo pa ang mga Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) nina Pangulong Duterte ay public records naman at bukas sa pagbusisi ng publiko.
Iginiit pa ni Sec. Panelo na bilang abugado, hindi maghahanda o lalagda si Pangulong Duterte ng isang dokumentong nagtataglay ng kasinungalingan at nagtatago ng detalyeng dapat nakalagay.
“The timing of the release is very much suspect; however, public documents on the matter, including their Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), are public records and open for public scrutiny. The President, being a lawyer, would not prepare or even sign a document which contains falsehoods or omits matters that require to be so indicated,” ani Sec. Panelo.