Todo paalala ang Malacañang sa mga residente ng Metro Manila na kailangan pa rin nilang kumuha ng travel pass mula sa Philippine National Police kung pupunta ng Tagaytay City at sa lalawigan ng Cavite.
Unti-unti na kasing nagsisibalikan ang mga turista sa Tagaytay City makaraang ianunsyo ng local government na tumatanggap sila uli ng mga bisita buhat nang isailalim ang siyudad sa modified general community quarantine (MGCQ) noong Setyembre 1.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, suportado nila ang pahayag ni Joint Task Force COVID Shield commander PLt. Gen. Guillermo Eleazar na kailangan ang travel authority matapos sabihin ng Tagaytay City government na hindi na ito requirement.
Sa kasalukuyan, ang Metro Manila ay nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) habang ang Cavite ay nasa ilalim naman ng MGCQ.
“MGCQ to MGCQ travel, hindi kinakailangan ng travel pass but the local government unit may still impose it. GCQ to MGCQ, kinakailangan ng travel pass,” wika ni Roque.
“Mga taga-Metro Manila na nais pumunta ng Tagaytay, kinakailangan n’yo pong kumuha ng travel pass at bago kayo mabigyan ng travel pass ng PNP, kinakailangan mag-presinta po kayo ng medical certificate,” dagdag nito.