Ikinatuwa ng Malacañang ang lumabas na Social Weather Stations (SWS) survey na ginawa nitong March 2019 kung saan lumabas na nasa 38 percent ng mga Pilipino ang nagsasabing bumuti ang kanilang kondisyon sa loob ng nakalipas na 12 buwan.
Mas mataas ito sa naitalang 37 percent noong December 2018.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, nakikita sa resulta ng survey na nararamdaman ng mga Pilipino ang ginagawa ni Pangulong Rodrigo Duterte para maiangat ang kanilang buhay.
Ayon pa kay Sec. Panelo, isa rin daw itong sampal sa mga kritiko ng Duterte administration, maging sa mga maka-kaliwang grupo, mga militanteng miyembro ng simbahan at ilang mga taga-oposisyong hindi kumikilala sa mga nagawa ni Pangulong Duterte.
Ngayong mayorya ng manok ng administrasyon ay nailuklok sa pwesto, makakaasa raw ang taongbayang mas pagsusumikapan pa ng Duterte administration ang pagpapatupad ng mga programa nito para sa mga Pilipino sa natitirang termino ng pangulo.