-- Advertisements --

Nagbabala ang Malakanyang sa mga pulitiko laban sa umano’y paggamit ng Emergency Cell Broadcast System (ECBS) para sa mga layuning pampulitika.

Ginawa ni Palace Press Officer Usec. Claire Castro ang pahayag kasunod ng mga ulat na may ilang kandidato na sinasabing gumagamit ng sistemang ito upang magpadala ng mensahe sa publiko, hindi para sa kalamidad kundi para sa kanilang pansariling interes.

Ayon kay Usec. Castro, ang naturang sistema ay dapat gamitin lamang sa mga tunay na sitwasyong pang-emergency gaya ng mga kalamidad at hindi dapat inaabuso para sa kampanyang pulitikal.

Sinabi ni Castro na nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at National Telecommunications Commission (NTC) kaugnay ng insidente.

Pinaalalahanan din ng PCO official ang publiko at mga opisyal na may pananagutan ang sinumang lalabag sa batas kaugnay ng maling paggamit ng nasabing teknolohiya kung saan kapag napatunayan aniyang may gumagawa nito ay maaari itong sampahan ng kaso.

Ang ECBS ay isang mahalagang instrumento ng pamahalaan sa pagbibigay ng agarang babala tuwing may sakuna tulad ng lindol, bagyo, o iba pang panganib.