Ikinalungkot ng Malacañang ang umano’y ginawang “spin” ng ilang media outfits sa inilabas nilang Oust Duterte Matrix kung saan pinalaki at pinagtuunan lamang ng pansin ang pagkakasama ng ilang personalidad gaya nina Gretchen Ho at Hidilyn Diaz.
Sa kanyang statement makalipas ang dalawang araw, sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, hindi naman niya binanggit noong press briefing noong Miyerkules na kasama sina Ho at Diaz sa ouster plot laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Sec. Panelo, naisama lamang ang pangalan ng dalawang personalidad sa Powerpoint slide na pinamagatang “Rodel Jayme of Metro Balita” dahil kabilang ang kanilang mga social media accounts na sinusundan ni Jayme, ang nag-upload ng “Bikoy video” sa kanyang website.
“It is unfortunate that some media outfits have put a spin on the Oust Duterte Matrix by instantly assuming and zeroing in on the supposed inclusion or participation of certain personalities namely, Gretchen Ho and Hidilyn Diaz, whose names this representation never mentioned during last Wednesday’s (May 8) press briefing as being part of the ouster plot against our beloved President,” ani Sec. Panelo.
Ipinaliwanag ni Sec. Panelo, isinama lamang nila sa diagram ang iba’t ibang social media accounts na pina-follow ni Jayme para patunayang totoong tao ito at ipinapakita ang kanyang online disposition.
Iginiit ni Sec. Panelo na nagkaroon ng maling pag-analisa ang ilang media outfits kaya nagkaroon na rin ng maling interpretasyon at konklusyon ng publiko gaya ng dalawang nabanggit na personalidad.
“In sum, there has been a wrong analysis of the diagram by some media outfits which in turn made the basis of a wrong analysis and conclusions by readers and personalities including Mses Ho and Diaz. It is therefore not surprising why a number of people reacted because the said diagram, together with this erroneous analysis, would indeed lead them to question the same,” dagdag ni Sec. Panelo.