-- Advertisements --

Nagpatawag ng pulong si Executive Secretary Salvador Medialdea sa ilang mga miyembro ng Gabinete upang pag-usapan ang apela ng medical community na isailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) ang Metro Manila bunsod pa rin ng tumataas na kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa pahayag ni Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, maliban sa kanya ay kasama sa pulong sina Budget Sec. Wendel Avisado; Trade Sec. Ramon Lopez; Health Sec. Francisco Duque III; Interior Sec. Eduardo Ano; Defense Sec. Delfin Lorenzana; Senior Deputy Executive Secretary Michael Ong; at Presidential Assistant for Foreign Affairs Robert Borje.

Ipinatawag din sa meeting sina National Task Force Chief Implementer Sec. Carlito Galvez Jr; NTF Deputy Chief Implementer Sec. Vince Dizon; at One Hospital Incident Command Chief Leopoldo Vega.

Maging si Sen. Bong Go, na chairman ng Senate Committee on Health, ay nagtungo rin sa pulong.

Sinabi ni Roque, ang mabubuong mga rekomendasyon sa pulong ay isusumite kaagad para mapag-aralan ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Una rito, kagyat na pinapaaksyunan ni Pangulong Duterte sa Inter-Agency Task Force (IATF) ang nasabing apela ng mga medical practitioners.

Ayon kay Roque, itinuturing ng Malacañang ang mga skilled, walang kapaguran at dedicated healthcare workers na mahalagang frontliners sa paglaban ng COVID-19.

Magugunitang nananawagan ang Philippine College of Physicians na kahit dalawang linggo lang ilagay uli sa enhanced community quarantine (ECQ) ang Metro Manila para mabigyan ang mga health workers ng pagkakataong makapahinga at bumawi sa matinding kapaguran na sa walang tigil na admission ng COVID-19 patients sa mga ospital.