Nagpaabot ng pakikiramay ang Malacañang sa pamilya at malalapit sa buhay ni dating Sen. Ramon Revilla Sr., na pumanaw ngayong araw sa edad na 93.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, nalulungkot sila sa pangyayaring ito at nanalangin ng kapayapaan para sa kaluluwa ng dating senador.
Ayon kay Sec. Roque, si Revilla ay nakilala noon bilang Hari ng Agimat at isa sa mga naging haligi sa industriya ng showbiz bago nito pinasok ang mundo ng pulitika.
Bilang isang senador, tinagurian umano ito bilang Father of the Public Works Act dahil sa pagiging author nito ng Republic Act 8150, o Public Works and Highways Infrastructure Program Act of 1995.
Kaisa umano ang Malacañang sa pagluluksa ng pamilya ni Revilla at ng mga nagbibigay pugay sa naging buhay ay pamana nito bilang isang movie icon at public servant.