-- Advertisements --

Nakikisimpatya ang Malacañang sa lahat ng mga pamilyang naapketuhan sa pananalasa ng Bagyong Ambo.

“Sa ngayon po, nakikiramay po tayo at nakikiisa po sa mga dinaanan ng Bagyong Ambo,” wika ni Presidential spokesperson Harry Roque sa Laging Handa press briefing.

“Laging handa naman tayo sa mga sakuna. Laging handa tayo lalong-lalo na sa mga bagyo, Napakadaming bagyo talaga ang bumibisita sa atin taon-taon.”

Tiniyak naman ni Roque na maabutan ng karampatang tulong ang mga mamamayang sinalanta ng nasabing sama ng panahon.

“Bago pa po dumating ang bagyo, naka-prepositioned na po ang ating relief goods. Nakahanda na po ang evacuation centers natin,” ani Roque.

Ayon pa sa kalihim, napanatili raw ang physical distancing sa mga pamilyang pansamatalang nananatili sa mga evacuation centers.

Sa pinakahuling ulat mula sa mga otoridad, apat na katao ang patay at maraming sugatan ang iniwan ng bagyo.