-- Advertisements --

Nanawagan ang Malacañang sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na huwag idamay ang ekonomiya at ang kanilang pamilya sa usaping pampulitika.

Ito’y sa gitna ng plano ng ilang grupo sa Europa, partikular ang Maisug Croatia, na ilunsad ang “Zero Remittance Week” mula Marso 28 hanggang Abril 4 ngayong taon.

Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro na maaaring maapektuhan hindi lamang ang gobyerno kundi pati na rin ang mga pamilya ng OFWs kung matutuloy ang kampanya.

Binigyang-diin ni Castro na ang pamahalaan ay sumusunod lamang sa umiiral na batas at ang mga kasong isinampa laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ay inihain din ng mga mamamayang Pilipino.

Nabatid na layunin ng Maisug Croatia na ipanawagan ang pagbabalik ni Duterte sa bansa sa pamamagitan ng pansamantalang pagpapatigil ng pagpapadala ng pera sa Pilipinas.

Kasabay nito, nanawagan din si Castro sa mga OFWs na maging mahinahon sa pagtugon sa mga ganitong usapin.