-- Advertisements --

Kumbinsido ang Malacañang na epektibo pa rin ang bilateral mechanism na itinatag sa pagitan ng Pilipinas at China kung saan dadalhin at resolbahin ang mga isyu sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, bago ang naging pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Beijing noong October 2016, itinataboy ang mga mangingisdang Pilipino ng Chinese coast guard sa sarili nating karagatan.

Pero kasunod umano ng pag-uusap ni dating Foreign Affairs Sec. Alan Cayetano at ang counterpart sa kabilang Beijing, pumayag daw ang China na hindi na paalisin ang ating mga mangingisda.

Ayon kay Sec. Panelo, simula noon ay malaya nang nakakapangisda ang mga Pilipino sa West Philippine Sea kaya ipinagtataka ng Malacañang ang sinasabi ng mga kritiko na umano’y mga bagong kaso ng harassment sa ating mga mangingisda.

Kinikilala naman aniya ng Malacañang ang puwersa ng China at hindi ito matatalo kaya idinadaan natin sa pag-uusap.

Maging si Pangulong Duterte ay nagsabi rin kagabi sa kanyang talumpati na pinipili niyang hindi talaga makipag-away sa China dahil alam niyang kaya tayong pulbusin ng bansang ito.

Nabatid na lumutang muli ang isyu ng territorial dispute ng Pilipinas at China sa South China Sea o West Philippine Sea kasunod ng sinasabing daan-daang Chinese vessels na nasa paligid ng Pag-asa Island.

“I think so. You know why? Because prior to the assumption of the presidency—prior to the visit of the President sa Beijing, iyong mga fishermen natin tinataboy talaga eh… talagang tinataboy iyon eh. But noong nag-usap sila Secretary Alan saka iyong counterpart niya, napag-usapan nila iyon eh na huwag ninyo nang itaboy, pumayag sila doon eh. Kaya nga may access na iyong mga fishermen natin, hindi na sila ginugulo,” ani Sec. Panelo.