Todo-pasasalamat ang Malacañang sa lahat ng nagtulong-tulong para maging mapayapa ang pagdaraos ng May 13 midterm elections.
Para sa Malacañang, maituturing na generally peaceful ang naganap na botohan kahapon.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, batay sa report mula sa mga otoridad ay walang naitalang major untoward incident sa kabuuan nang eleksyon ngayong taon.
Ayon kay Sec. Panelo, ito ay sa kabila ng mga naitalang mga aberya sa pagboto gaya ng mahabang pila, kalituhan sa presinto at mga sirang vote-counting machines (VCMs) at SD cards.
Inihayag ni Sec. Panelo na malaking bagay ang mahigpit na pagpapatupad ng mga otoridad sa mga batas na may kinalaman sa halalan kabilang ang gun ban, liqour ban at vote-buying and selling.
Kasabay nito, kinilala din ng Malacañang ang sakripisyo ng mga guro na nagsilbing Board of Election Inspectors (BEIs) na nagtiyak para maging malinis at mapagkakatiwalaan ang resulta ng 2019 elections mula sa pagpaparehistro, actual voting at hanggang sa bilangan ng boto.