-- Advertisements --

Nagbago ang isip ng Malakanyang para sa susunod na pagdinig ng senado kaugnay ng pag aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Kinumpirma ni palace press officer Usec Claire Castro na nagbigay na ng listahan ang Office of the Executive Secretary kung sino sinong mga opisyal ng gobyerno ang maaaring dumalo sa susunod na pagdinig.

Kabilang sa listahan ay sina Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, Prosecutor General Anthony Fadullon, State Counsel Arvin Chan, DFA Secretary Enrique Manalo, Philippine Center on Transnational Crimes Executive Director Felipe Alcantara, PNP Chief General Francisco Marbil, PNP CIDG PMGeneral Nicholas Torre III, Special Envoy Marcus Lacanilao at iba pa.

Ayon kay Usec Castro, ang desisyong ito ng Office of the Executive Secretary ay bilang pagrespeto na rin sa hiling ni Senate President Francis Chiz Escudero na magpadala ng mga opisyal ng ehekutibo sa gagawing pagdinig.

Binigyang diin ni Castro na maaari pa ring mag invoke ang mga dadalong opisyal ng executive privilege.