Binigyang-diin ng Malacañang na dapat lumayas na sa lalong madaling panahon ang Chinese vessels na nasa Pag-asa Island o Tithu Island.
Ang Pag-asa Island ay kasama sa Kalayaan Group of Islands sa South China Sea na inaangkin at okupado ng Pilipinas.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, kaya naghain ng diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs aban sa China ay dahil hindi dapat naroroon ang mga Chinese vessels.
Ayon kay Sec. Panelo, naniniwala siya sa report ng militar na mga militiamen at hindi lamang ordinaryong mangingisda ang sakay ng mga barko.
Una kahapon, nilinaw ni Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua na pawang mga mangingisda ang sakay ng mga Chinese vessels na nasa Pag-asa Island.
Sa kanyang courtesy call kay Sec. Panelo sa Malacañang, inihayag ni Amb. Zhao na katulad ng mga mangingisdang Pilipino na nasa Pag-asa Island, mayroon din silang mga mangingisda sa lugar.