Pinuna ng Palasyo ng Malakanyang ang video presentation sa ginanap na senate inquiry.
Inilarawan ni Palace Press Officer Claire Castro na mala-drama ang video presentation ni Senator Imee Marcos sa pagdinig sa Senado.
Kinuwestiyon ni Castro kung bakit hindi kumpleto ang mga ipinakitang video.
Aniya, hindi raw kasi naisama sa presentation ang video ng umano’y panghaharass ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pulis habang isinisilbi ang arrest warrant.
Pagdating naman sa tanong ni Sen. Imee kung bakit isinuko ang dating Pangulo sa mga dayuhan, ang sagot dito ni Castro, walang nilabag na batas dahil ang pag aresto ay alinsunod sa RA 9851.
Nilinaw rin ni Castro na hindi kailanman ninais ng Marcos administration na maging probinsya ng The Hague ang Pilipinas, maging ng Fujian, China.
Kasunod ito ng sinabi ng senadora kung kelan pa naging probinsya ng The Hague ang bansa.
Anya, ang ginawa sa dating Pangulo ay pagpapatupad lang ng batas.