Mariing inalmahan ng Malacañang ang naging pahayag ni Sen. Joel Villanueva na nasa “state of confusion” ang gobyerno dahil sa paghawak ng administrasyon sa Recto Bank issue.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, ang paninindigan ng Ehekutibo ay malinaw at walang pagbabago kung saan ang isyu ng soberenya ay non-negotiable at ang pangunahin sa kanilang isipan ang pagsilbi at proteksyon ng lahat ng mga Pilipino kabilang na ang 22 apektadong mangingisda.
Ayon kay Sec. Panelo, nauunawaan naman nila ang sentimiyento ng taongbayan pero bilang gobyerno, dapat silang rational imbes na emosyunal.
Iginiit ni Sec. Panelo na ang mistulang pagbabago ng posisyon o pananaw ng ilang miyembro ng gabinete sa Recto Bank incident ay paglilinaw lamang sa naunang maling deskripsyon sa sirkumstansya gaya ng pagsasabi noon na sinadyang binangga ng Chinese vessel ang bangka ng mga Pilipino.
Hindi rin daw kaila ang magkakaibang bersyong lumabas kung saan isa na rito ang kwento ng isang miyembro mismo ng crew ng nabanggang bangka at pinalala pa ng mga pahayag ng mga pekeng makabayan na namumulitika lamang sa sitwasyon.
Kaya kung sino daw ang hindi pa nakakaunawa sa kanilang paglilinaw, ito ang nasa “state of confusion” dahil hindi nakakaiintindi ng simpleng pagtatama ng terminology o kaya may problema sa pag-iisip.
“When one makes an appropriate description of a circumstance previously mislabeled, one calls that a clarification. What the members of the Cabinet did was simply to clarify the issue as the circumstances previously unknown surrounding the Recto Bank incident begin to unravel. If after the clarification, the reader cannot still comprehend, then it is his mind which is in a state of confusion as he cannot grasp a simple correction of terminology, or worse he could be intellectually challenged,” ani Sec. Panelo.