Hinikayat ngayon ng Malacañang ang mga bagong abugado na kasama sa mapapalad na 2018 bar exam passers na isaalang-alang palagi ang integridad sa legal profession.
Ginawa ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ang pahayag kasabay ng pagpapaabot ng pagbati sa kanilang tagumpay matapos ang mahaba-habang sakripisyo at dinanas na stress sa dinaanang bar exam.
Sinabi ni Sec. Panelo, umaasa rin silang ikokonsidera ng mga bagong abugado na pumasok sa gobyerno at tumulong sa pagtatayo ng progresibo at mapayapang bayan na makakapagbigay ng komportableng buhay sa lahat.
Ayon kay Sec. Panelo, ang kabataan, idealism, academic competence at personal integrity ng mga bagong abugado ay welcome sa Duterte administration at sa mga susunod pang administrasyon.
Maliban sa mga bar passers, mainit na binati rin ni Sec. Panelo ang kanilang mga magulang at mga tumulong sa kanila para sila ay makapag-aral sa law schools at makamit ang kanilang mga pangarap.
“As they prepare to take their oaths and sign in the roll of attorneys, we urge them to inculcate in their minds that integrity is the highest in the hierarchy of virtues in the legal profession. We hope that many of our country’s new lawyers consider pursuing a career in the government and help build a progressive and peaceful nation that will provide a comfortable life for all,” ani Sec. Panelo.