-- Advertisements --

Hinamon ng Malacañang ang European Union Parliament na ituloy ang bantang pag-alis sa extension sa pagbabayad ng taripa ng mga produktong galing Pilipinas.

Sa pulong balitaan sa Baguio City, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na bumulusok ang ekonomiya ng bansa dahil sa COVID-19 pandemic.

Kung gusto rin aniya ng mga mambabatas ng EU na magdagdag pahirap sa Pilipinas ay ituloy na lamang daw nila.

“Kung gusto nilang dagdagan ang pahirap ng sambayanang Pilipino sa panahon ng pandemya, so be it. We will accept that as history repeating itself,” wika ni Roque.

“We have hit the rock bottom by way of our economy dahil sa COVID-19. Kung gusto pa magdagdag ng pahirap ng mga Europeans at ikaliligaya nila, go ahead.”

Humingi naman ng paumanhin si Roque sa paggamit nito ng “undiplomatic” na lenguahe pero dagdag nito, “What else can I say?”

“At a time of pandemic they are threatening us. Susmaryosep! What else do we lose?” he said. “Hayaan po nating panoorin nila na lalong maghirap ang sambayanang Pilipino.”

Ang panggigigil ni Roque ay kaugnay sa pagkuwestiyon ng EU Parliament sa umano’y lumalalang paglabag sa human rights sa Pilipinas dulot ng giyera kontra droga ng administrasyon ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Dahil dito, isinusulong ng mga mambabatas ng EU na bawiin na ang Generalized Scheme of Preferences Plus (GSP+) na siyang nagbibigay ng pribilehiyo sa pag-export ng zero-duty merchandise sa mga European member states.

Saklaw sa GSP+ scheme ang mahigit sa 6,200 produktong mula sa Pilipinas.