Muling ipinaalala ng Malacañang sa China na dapat irespeto ang commitment nito sa bilateral talks nina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping na iwasang palalain ang tensyon sa South China Sea.
Ginawa ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ang pahayag sa gitna ng pagmamatigas ng China na huwag paalisin ang kanilang mga barko sa paligid ng Pag-asa Island.
Sinabi ni Sec. Panelo, dapat igalang ng China ang mga napagkasunduan sa pagtrato sa mga pinagtatalunang teritoryo sa South China Sea at paalisin na ang mga Chinese militia sa Pag-asa Island na teritoryo ng Pilipinas.
Ayon kay Sec. Panelo, naghain na ng diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs at hinihintay ang pormal na tugon rito ng Beijing.
Matapos nito, hintayin daw ang susunod na hakbang o desisyon ni Pangulong Duterte sakaling ayaw pa ring paalisin ng China ang kanilang mga barko sa Pag-asa Island.