-- Advertisements --

Pinayuhan ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ang Commission on Elections (COMELEC) para maiwasan ang overvoting o pagboto ng higit pa sa bilang na itinakda sa eleksyon.

Kasunod ito ng pahayag ng Malacañang na nanghihinayang ito sa mahigit isang milyong boto para sa mga senatorial candidates na hindi nabilang dahil overvotes ang mga ito.

Sinabi ni Sec. Panelo, dapat gumamit na ang COMELEC ng mas modernong teknolohiya kung saan de-pindot na lang ang boto sa makina.

Ayon kay Sec. Panelo, mas maganda na kapag pumunta ang isang botante sa voting precinct, lalabas agad sa screen natiowide ang kanyang boto.

Sa kasalukyang balota umano, hindi naiwasan ang overvoting dahil hindi naman malinaw na dapat hanggang 12 lang ang maaaring iboto sa pagka-senador.

Malaking boto rin daw ang nawala at malaki sana ang diperensyang maiaambag nito sa mga kandidatong magkakadikit ang mga boto.

Nabatid na batay sa partial and unofficial count mula sa COMELEC, ilang daang-libong boto lang ang pagitan nina Bong Revilla, Koko Pimentel, Nancy Binay, JV Ejercito at Bam Aquino na naglalaban laban sa ika-10 hanggang ika-12 puwesto sa pagka-senador.