-- Advertisements --

Kinalampag ng Malacañang ang Department of Health (DOH) at iba pang kompanya o laboratoryo na dapat magbayad ng hazard pay ng mga health workers.

Napag-alamang hanggang ngayon ay sinasabing mayroon pang 16,000 health workers ang hindi pa rin nakatatanggap ng kanilang hazard pay mula pa noong magsimula ang COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Presidential Spokesman Sec. Harry Roque, dapat madaliin na ang pagbabayad sa mga health workers at huwag nang hintayin pang magalit na naman si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Sec. Roque, sa kanyang pagkakaalam, may nakapaloob na pambayad sa hazard pay at maging sa bagong special risk allowance para sa mga medical frontliners at health workers sa ilalim ng Bayanihan 1 at 2 at kung kukulangin ay sa regular budget ng DOH sa ilalim ng 2021 national budget.

Magugunitang minsan nang nagalit si Pangulong Duterte matapos mapag-alamang hindi binayaran agad ng DOH ang benepisyo ng mga health workers na tinamaan ng COVID-19 hanggang sa nakamatayan na ito ng iba.