-- Advertisements --

Nanawagan ang Malacañang sa publiko na maging mahinahon sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) outbreak.

Pahayag ito ng Palasyo makaraang kumpirmahin ng health officials ang unang local transmission ng virus sa bansa.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, inaasahan ng Palasyo na ginagawa ng mga kaukulang ahensya ang lahat upang masiguro ang kapakanan ng bansa.

“We similarly call upon the cooperation of the Filipino people during this health crisis to exercise utmost prudence and exercise judiciousness as we expect all responsible agencies to continue exhausting all possible measures within their mandate to secure the general welfare of the citizenry,” wika ni Panelo.

Bago ito, pumayag na rin daw si Pangulong Rodrigo Duterte na magdeklara ng public health emergency matapos na itaas ng Department of Health (DOH) ang alert level sa Code Red Sub-Level 1.

Sa pahayag ni Sen. Christopher “Bong” Go, nag-usap sila ng pangulo at pareho rin naman ang kanyang suhestyon bilang chairman ng Senate Committee on Health.

Sinabi naman ni Panelo, inilabas ni Pangulong Duterte ang deklarasyon matapos ikonsidera ang lahat ng mga “critical factors”.

Tiniyak naman ng kalihim na patuloy ang komunikasyon ng Office of the President sa DOH at sa iba pang mga ahensya ng gobyerno upang palakasin pa ang laban kontra COVID-19.