Asahan na umano ang mga dagdag na deployment ng mga otoridad at mga personnel ng mga ahensyang nakatutok sa seguridad at pagpapanatiling maayos at mapayapa ang pag-obserba sa Semana Santa.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, itinaas na sa hightened alert status ang mga kaukulang ahensya ng gobyerno para matiyak ang kaligtasan at seguridad ng lahat.
Ayon kay Sec. Panelo, prayoridad ng gobyerno ang kaligtasan ng publiko lalo na ang mga bubuhos sa terminal ng bus, paliparan, pantalan, gayundin ang seguridad ng mga private and government installations, mga simbahan, malls at iba pang pampublikong lugar.
Kaya umaapela ang Malacañang ng pakikiisa at suporta ng publiko sa security measures ng pulisya partikular sa mga checkpoint at safety checks.
Hinikayat din ng opisyal ang publiko na agad i-report sa mga pulis sakaling may makitang mga kahina-hinalang bagay o indibidwal sa kanilang paligid o komunidad.
Kasabay nito ay ipinaalala ni Sec. Panelo na ang Semana Santa ay panahon ng pagninilay at pagdarasal at sana umano ay gawing inspirasyon ang sakripisyo at pagpapakumbaba ni Hesukristo para magtulungan ang bawat isa lalo na sa panahon ng pangangailangan at paghihirap.