Nananatili ang posisyon ng pamahalaan na idaan sa bilateral consultative mechanism (BCM) ang anumang hidwaan ng Pilipinas at China sa mga pinagtatalunang teritoryo sa South China Sea.
Sa kabila ito ng pahayag ng mga maritime expert na hindi epektibo ang BCM dahil sa presensya ng Chinese vessels sa paligid ng Pag-asa Island at napaulat na pangha-harass sa mga mangingisdang Pilipino sa Panatag Shoal.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, walang ibang opsyon sa ngayon kundi pag-usapan sa bilateral negotiations ang mga “irritants” sa relasyon ng Pilipinas at China gaya ng territorial dispute.
Ayon kay Sec. Panelo, ayaw nilang dalhin sa United Nations ang isyu dahil problema lamang ito ng dalawang bansa.
Kung maaalala, nagmatigasan sina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping sa kanilang bilateral meeting sa Beijing kaugnay sa magkasalungat na posisyon at pag-angkin sa mga pinag-aagawang teritoryo.
Taong 2017 pa naitatag ang BCM pero patuloy ang aktibidad ng China sa mga dispute territories na kinokontra ng Pilipinas.