Pasimpleng binweltahan ni Palace Press Officer Usec Claire Castro ang common law wife ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Honeylet Avancena kaugnay sa sarkastikong pahayag nito kung saan binabati niya ang pamahalaan kaugnay sa mga krimeng nangyayari sa bansa.
Sinabi ni Castro na sa nasabing pananalita ni Avancena tila ikinagagalak pa nito na may mga insidente ng krimen sa bansa.
Ayon kay USec Castro hindi ito dapat gawing isyu ni Avancena dahil may mga buhay ang nakasasalay dito.
Panawagan ng opisyal kay Avancena na huwag na sana magmutawi muli kaniyang bibig ang mga nasabing pananalita dahil hindi rin gugustuhin ng gobyerno na batiin ang dating Pangulong Duterte na maraming mga inosenteng kababayan natin ang nasawi dahil sa extra judicial killings sa panahon ng kaniyang administrasyon.
Binigyang-diin ng palace official na bilang mga Pilipino dapat nagkakaisa ang ating bansa.
Nakakalungkot dahil muli mababanggit na naman natin ang mga kaalyado ni dating Pangulong Duterte. Hindi po ginagawa na katatawanan ang isang ganitong klaseng sitwasyon.
“Kaya kay Ms. Honeylet Avanceña, huwag ninyo pong gawin na issue dahil may buhay po ditong nakasalalay, may mga buhay na nawala. Huwag ninyong gawing issue ito at gawin ninyong katatawanan ang gobyerno. Hindi natin malaman bakit ganoon ang naging attitude ni Ms. Honeylet. Parang ikinatutuwa pa ba niya na may mga ganitong sitwasyon sa bansa. Hindi ba dapat bilang Pilipino, nagkakaisa tayo upang ang bansa natin ay umangat hindi para lamang para sa taumbayan at para na rin mapakita natin sa buong mundo na ang Pilipinas, at ang mga Filipino ay nagkakaisa. Huwag silang gumawa ng gulo dahil hindi po iyan maganda. Huwag nilang simulan ang gulo sa pamamagitan ng pagbibigay ng ganitong mga klaseng remarks o pananalita,” pahayag ni USec. Claire Castro.