-- Advertisements --

Tiniyak ng pamahalaan na nakahanda ito sakaling dumating ang the Big One o makaranas ng napakalakas na lindol ang bansa.

Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro, halos lahat ng government agencies ay nakahanda sakaling makaranas tayo ng napakalakas na lindol.

Binigyang-diin ni Castro na bukod sa mga paghahanda, patuloy din ang isinasagawang information dissemination at ang pagsasagawa ng mga earthquake drill.

Naniniwala si Castro na mahalaga na magtulungan ang lahat lalo na sa mga ipakakalat na impormasyon patungkol sa paghahanda sa lindol.

“Sa ganitong pagkakataon po kasi, hindi po talaga natin masasabi kung kailan mangyayari pero mas maganda po na maging handa.

Karamihan po, halos po ang government agencies po natin ay prepared po diyan. Nagkakaroon po ng earthquake drill, fire drill, at mayroon po tayong nakahanda pong mga “Go Bags,” pahayag ni USec. Castro.

Mahigpit din na ipinag-uutos ng gobyerno sa mga local government units (LGUs) na striktong magsagawa ng inspection sa mga buildings sa kanilang mga sinasakupan at higpitan ang pagbibigay ng mga building permits at siguraduhin na matitibay ang mga itatayong mga buildings.

Ang pahayag ni Castro ay kasunod sa nangyari sa bansang Myanmar na niyanig ng 7.7 magnitude na lindol.

” At sa mga local government units, sa atin din po na … idini-demand po natin hangga’t maaari po na iyong mga building officers nila ay magsagawa po ng mga inspection kung maaari, at maging mahigpit din po sila sa pagbibigay ng mga permits sa pagpapagawa ng mga buildings na magiging maaaring hindi ganoon katibay,” dagdag pa ni USec. Castro.