Binigyang-diin ng Malacañang ang kahalagahan ng muling pagbubukas ng ekonomiya ng Pilipinas matapos maitala ang pinakamababang gross domestic product (GDP) sa loob ng pitong dekada.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, sa ngayon ay hindi pa sapat ang pagbubukas ng ekonomiya para makabalik na sa normal at mapigilan ang kagutuman sa bansa.
Ayon kay Sec. Roque, hindi na nila ipinagtaka ang nasabing GDP contraction dahil sa COVID-19 pandemic kung saan pinalugmok ang ekonomiya ng buong mundo.
Batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumagsak ang ekonomiya ng Pilipinas sa 9.5 percent noong 2020, ang pinakamasamang GDP performance mula 1947.
Sa kabila nito, ikinatuwa pa rin ng opisyal na nakapagtala ng -8.3 percent growth ang ekonomiya ng bansa sa fourth quarter ng 2020 dahil bagama’t nasa negative territory pa rin, mas maganda na ito kumpara sa nagdaang mga quarters na nakapagtala ng double-digit declines.
Inihayag ni Sec. Roque na kaya namang buksan ang ekonomiya ng bansa kahit anong bagong variant pa mayroon ang COVID-19 basta sunding mahigpit ang mga health protocols na “mask, hugas, iwas.”