Nilinaw ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ang kanyang pahayag na walang kahit isa man lang na imprastrakturang itinayo ang Aquino administration.
Magugunitang sinabi ito ni Sec. Panelo nang tawagin ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na isang “dismal failure” o malaking kabiguan ang “Build, Build, Build” program ng administrasyon.
Sinabi ni Sec. Panelo, ang totoo ay “figure of speech” lang naman ang pahayag niya na ang ibig sabihin lang niya ay walang major o malaking accomplishments ang Aquino administration kumpara sa nagagawa ngayon sa panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Matatandaang sa economic briefing sa Malacañang, dinepensahan rin ni Presidential Adviser for Flagship Projects and Programs Vince Dizon ang mga proyekto ng gobyerno.
Hindi umano ito “failure” o kapalpakan, pero aminado naman siyang hindi pa kontento ang gobyerno sa inuusad ng mga proyekto at marami pang kailangan gawin para makatulong ito sa pagpapaunlad sa buhay ng mga Pilipino.