Matinding ikinagalit ng Malacañang ang umano’y hindi angkop o tamang presentasyon ng imahe ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isang American comedy show na mapapanood sa Netflix.
Sinabi ni Communications Sec. Martin Andanar, kung mapapansin sa isang episode ng show na may titulong “Brazil, Corruption and the Rainforest,” malisyosong ipinakita ng comedian at host na si Hasan Minhaj si Pangulong Duterte bilang isang “autocrat†o ang taong humahawak ng solong kapangyarihan sa isang gobyerno.
Ayon kay Sec. Andanar, “exaggerated” din ang pagpapaliwanag sa kampanya laban sa iligal na droga ng pamahalaan dahil sinabi doon na nasa 27,000 ang namatay sa bansa na malayo raw sa record ng “Real Numbers” program na nagsasabing nasa 5,050 lang ang nasawi sa anti-drugs operation.
Kinokondena aniya nila ang maling impormasyon sa Netflix show na pakana lang ng mga anti-Duterte.
Binanatan din ni Sec. Andanar na hinahanapan pa ng kamalian ng comedian-host ang pag-endorso ni Pangulong Duterte sa ilang kandidato sa pagkasenador.
Iginiit ng opisyal na ang Pilipinas ay isang malayang bansa gaya ng Amerika at nirerespeto ng Malacañang ang resulta ng halalan dahil ang mga Pilipino pa rin ang pumipili sa mga nais nilang lider.