Nilinaw ngayon ni Justice Sec. Menardo Guevarra na bagamat mayroong direktiba ang Malacañang sa Department of Justice (DoJ) na tumulong para mabawi ang P60 million advertisement ng Department of Tourism (DoT) na ipinalabas sa TV program na Bitag ni Ben Tulfo ay hindi pa nila ito maisagawa.
Ayon kay Guevarra, wala pa raw kasi siyang natanggap na memorandum o kautusan sa palasyo para imbestigahan ang isyu.
Maliban dito, kailangan din daw muna niyang makipag-ugnayan sa Office of the Ombudsman dahil sila ang may hurisdiksiyon at mandato sa pag-iimbestiga sa mga reklamong katiwalian laban sa mga opisyal ng gobyerno.
Una rito, sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na ipapaubaya nila sa DoJ ang paghahabol sa naturang bayad para sa advertisement ng DoT.
Maalalang ang Tourism secretary noong naganap ang sinasabing umano’y anomalya ay si Wanda Teo na nakatatandang kapatid ni Tulfo.