Inamin ng Malacañang na wala silang magagawa kung ayaw ng Kongreso lalo sa Senado na ipasa ang SOGIE (Sexual Orientation and Gender Identity and Expression) Bill na hinihingi ng mga miyembro ng “LGBTQ+.”
Kung maaalala, inihayag na ni Senate Pres. Tito Sotto III na malabong maipapasa ang panukalang batas dahil lalabagin nito ang ilang kalayaan gaya sa relihiyon at kultura.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, kahit pa gusto ni Pangulong Rodrigo Duterte na makapasa ang panukalang batas, desisyon pa rin ng mga mambabatas kung ito ay ipapasa.
Ayon kay Sec. Panelo, ang trabaho ng Ehekutibo ay magpatupad ng batas na ginagawa ng Kongreso.
Una nang hinarap ni Pangulong Duterte si Gretchen Diez, ang transwoman na umano’y nakaranas ng diskriminasyon sa CR ng isang mall sa Quezon City at tiniyak ang suporta nito sa SOGIE Bill.