-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Aminado si Senate President Vicente Sotto III na hindi ito pabor at hindi rin tutol sa federalismo ngunit mayroon itong suhestiyon.

Sa pagdalo ni Sotto sa inagurasyon ng kanyang kumpadre na si re-elected Bacolod City Mayor Evelio Leonardia kagabi, inihayag nitong mas mabuting palawakin na lang ang Local Government Code at bigyan ng mas malaking kapangyarihan ang mga local government unit (LGUs).

Sa tuwing lumalaki aniya ang kapangyarihan ng mga LGUs, makikita ang pag-unlad nito kagaya ng hinahabol na epekto ng federal system of government.

Kinumbinsi rin ni Sotto si Leonardia na ipakita sa mga sumusulong ng federalismo kung ano ang epekto ng lokal na pamahalaan na may mas malawak na kapangyarihan.

Nabatid na unang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na suko na ito kung hindi magtatagumpay ang federalismo bago matapos ang kanyang termino sa 2022.