Idineklara ng probinsya ng Palawan ang July 12 bawat taon bilang ‘Victory Day’, bilang selebrasyon sa iginawad ng Permanent Court of Arbitration na desisyon na pumapabor sa Pilipinas at nagbabalewala sa claims ng China sa WPS.
Matatandaan na inilabas ng Permanent Court ang naturang desisyon noong July 12, 2016 na kumikilala sa karapatan ng Pilipinas sa mga bahura, maliliit na isla, coral, at iba pang maritime feature na nasa ilalim ng 200 nautical miles (370 kilometer) Exclusive Economic Zone(EEZ) ng bansa.
Inaprubahan ng provincial board ng Palawan ang ordinansa para sa deklarasyon sa July 12 bilang ‘Victory Day’ sa una at huling pagbasa.
Nakasaad dito na ang naging ruling ay patunay sa pagpanig ng United Nations Convention on the Law of the Sea (Unclos) sa karapatan at claims ng Pilipinas sa naturang katubigan.
Nakasaad pa sa ordinansa na ang inilabas na ruling ay nagsisilbing guide sa lahat ng mga nasyon sa buong mundo at tungo sa pag-iral ng batas at international order.
Magsisilbi umano itong inspirasyon ng bawat Pilipino at magpapatunay sa dedikasyon ng Pilipinas na magkaroon ng mapayapang pagtugon o diplomasya, sa halip na karahasan o kaguluhan.
Samantala, inihain din ng isang board member ng Palawan ang isa pang resolusyon na humihikayat kina Speaker Ferdinand Martin Romualdez at Palawan Rep. Jose Alvarez na maghain ng panukalang batas sa Kamara upang ideklara ang ika-12 ng Hulyo bilang WPS Day.