-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- -Nilinaw ng Pamahalaang Lungsod ng Cauayan na tanging ang mga puwesto lamang sa Primark palengke ang isasara sa araw ng Miyerkoles para sa isasagawang disinfection.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty Reyna Santos, information officer ng Cauayan City, sinabi niya na tanging mga puwesto sa wet section at dry goods section ng pribadong pamilihan ang isasarado.

Hindi anya kasali sa mga magsasara ang grocery, department store at iba pang puwesto sa harapan ng pribadong pamilihan.

Ayon kay Atty Santos, ang pagsasara sa Primark Palengke ay para sa isasagawang disinfection activity.

Ito ay kasunod na rin anya ng mga impormasyong nakarating sa kanila kaugnay sa mga hindi sumusunod sa health protocols sa loob ng pamilihan .

Pangamba ng pamahalaang lungsod na maaaring makapagdulot ng transmission ng virus ang hindi pagsunod sa mga health protocol sa pamilihan.

Nilinaw naman ni Atty Santos, na walang naitalang positibo sa COVID 19 sa loob ng pamilihan.

Una nang naglabas ng executive order si Mayor Bernard Dy ng Cauayan City kaugnay sa pansamantang pagsasara ng Primark Palengke bukas para sa disinfection activity.

Dagdag pa ni Atty Santos, posibleng sa mga sumusunod na linggo ay maging regular na ang pagsasagawa ng disinfection sa loob ng pamilihan.