CAGAYAN DE ORO CITY – Binigyang katiyakan ng Bangsamoro lawmaker na si Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Adiong na hindi malagay sa alanganin ang higit 20 Palestinians na nakapag-asawa ng Filipino women na pansamantalang tumira sa itinuring na Little Gaza sa Quezon City mula sa Palestine.
Kaugnay ito sa ginawa na koordinasyon ng kanyang tanggapan sa Kagawaran ng Hustisya at Department of Foreign Affairs kung ano ang magiging status sa nabanggit na mga lumikas na Palestinians dahil umiwas sa malabis na opensibang-militar ng Israeli Defense Forces laban sa Hamas militants sa Gaza simula pa noong Oktobre 2023.
Sinabi ni Adiong na nais nitong malaman mula sa nabanggit ng mga tanggapan kung ano ang magiging kalagayan ng mga ito upang hindi malagay ng alanganin ang mga pamilya nila habang pansamantalang nakikisilong sa bansa.
Dagdag ng mambabatas na hindi naman puwede na aalis lang ang mga apektadong Palestinians na maiiwan ang kanilang mga asawang Filipinas at mga anak.
Ginawa ni Adiong ang paglalahad matapos binisita personal ang internally displaced Palestinians habang nangungupahan sa ilang mga gusali sa Maynila.
Magugunitang ang Maranao-Muslims na nakabase sa Lanao del Sur ang hayagang tumuligsa sa Israel dahil sa sobra-sobrang military retaliatory offensives laban Hamas group kung saan damay ang milyun-milyong Palestinians na tahimik lang sanang naninirahan sa syudad ng Gaza.