-- Advertisements --
Aston Palicte
Aston Palicte/ Twitter image

Nabigo si Filipino boxer Aston Palicte para sungkitin ang World Boxing Organization world superflyweight crown sa kamay ni Kazuto Ioka.

Ito ay matapos na makalasap ng TKO loss ang 28-anyos na Pinoy boxer sa loob ng 10th round sa kanilang laban na ginanap sa Chiba City, Japan.

Naging matindi ang ipinamalas na suntok ni Palicte mula sa unang round subalit pagdating ng ika-pitong round ay doon na bumanat si Ioka na tinarget ang katawan at ulo ng Pinoy boxer.

Pagdating ng 10th round ay napilitan na si referee Kenny Chevalier na pahintuin ang laban dahil sa labis na tama ni Palicte sa mukha.

Ito na ang pang-apat na division championship ni Ioka na una ay sa minimumweight, light-flyweight at flyweight categories.

May record na si Ioka na 24 panalo dalawang talo at 14 na knockouts habang si Palicte ay mayroong 25 panalo, tatlong talo, isang draw at 21 knockouts.