Aaksyunan at hindi kukunsintihin ng Department of Health ang anumang administratibong paglabag sa healthcare institutions.
Ito ang binigyang diin ni DOH Secretary Ted Herbosa sa isang statement sa gitna ng mga reklamo kaugnay sa nangyaring “Palit ulo” sa isang pribadong ospital na Ace Medical Center sa Valenzuela city.
Sinabi ng ahensiya na nagsagawa ng masinsinang imbestigasyon ang DOH Metro Manila Center for Health Development (MMCHD) kaugnay sa mga reklamong inihain laban sa naturang pribadong ospital kung saan napatunayang liable ito sa 2 kaso habang not guilty naman ito sa 2 iba pang kaso dahil lagpas na ito sa limitadong administrative powers ng DOH.
Ayon pa sa ahensiya, bagamat may magkakaibang sirkumstansiya ang 4 na kaso, may magkakapareho itong alegasyon kung saan ilegal na ikinulong ng naturang ospital ang mga kamag-anak ng mga pasyente hanggang mabayaran nila ang outstanding medical bills. Ang naturang practice ay tinatawag bilang ” Palit ulo”, kung saan minamandato ang mga kamag-anak ng mga pasyente na mag-iwan ng kapalit na tao kapag nais nilang lumabas o umalis ng ospital.
Samantala, hinimok naman ni Sec. Herbosa ang concerned parties na idulog sa tamang mga korte ang anumang mga paglabag sa batas na nangangailangn ng pangingialam ng hudikatura na lagpas sa kapangyarihan ng ahensiya.