-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Nagpapatuloy ang manhunt operations ng pulisya at militar sa grupo ng mga NPA na umataki sa isang palm oil plantation sa Brgy Sto. Niño, Manolo Fortich, Bukidnon kagabi.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PNP Region-10 spokesman Col. Surki Serenias na maliban sa plantasyon ng palm oil, sinalakay rin ng mga rebelde ang isang gov’t facility sa nasabing lugar.

Ayon kay Serenias, mabilis namang nakaresponde ang kanilang pwersa kasama ang militar matapos humingi ng saklolo ang mga sibilyan doon.

Nakipagbarilan pa umano ang mga rebelde sa mga pulis at sundalo na tumagal ng iilang minuto, ngunit nakatakas ang mga ito matapos nilang sunugin ang anim na mga pribadong sasakyan.

Wala namang nasaktan sa panig ng PNP at AFP ngunit inaalam pa kung may namatay at nasugatan sa makaliwang grupo.

Kabilang sa sinunog ng mga rebelde ang dalawang L300 vans, isang Izusu Elf truck, isang Toyota pick-up at dalawang motorsiklo.

Narekober din ng militar ang tatlo pang motorsiklo na ginawang gate away ng mga rebelde sa kanilang pagtakas.

Nakuha rin mula sa firing line ang maraming basyo ng AK-47 at M-16 armalite rifles.