-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Patuloy na isinasagawa ng PALMA+PB Alliance, sa pangunguna ni Chairman at Libungan Mayor Christopher “Amping” Cuan, ang isa sa mga focused project nito na TreeVolution Program.

Layon ng naturang program ana mapanatili ang kagandahan ng kalikasan at upang maiwasan ang mga sakuna dulot ng mga natural na kalamidad na nakakaapekto hindi lang sa isang lugar kundi pati na din sa mga mamamayan.

Nitong umaga ng Miyerkules, isinagawa ang naturang programa sa Sitio Tamumukan, Brgy. Kalacakan, Pikit, Cotabato kung saan naging katuwang nito ang Barangay Council, Municipal Planning and Development Office (MPDO), Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) at Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO).

Daan-daang mga puno ang itinanim sa lugar bilang pang-depensa kung magkakaroon man ng malakas na pag-ulan na magdudulot ng landslide at pagbaha.

Kung maaalala, kamakailan, isinagawa na din ang naturang aktibidad sa iba pang mga lugar tulad ng Brgy. Rangayen, Alamada; Brgy. Upper Katalikanan, Aleosan; at sa USM-Annex Libungan Campus na matatagpuan sa Sitio Nueva Ferza, Brgy. Montay, Sitio Matambabay, Brgy Cabpangi at Sitio Abacanhan, Brgy. Cabaruyan sa Libungan.

Nananawagan naman si Cuan sa mga residente ng PALMA-PB area na makiisa sa mga isinasagawang tree planting activities.

Siniguro naman nito na magpapatuloy pa ang TreeVolution Program sa iba pang lugar na sakop ng PALMA+PB Alliance.

Nagpapasalamat naman si PALMA-PB Alliance Project Manager Orly Maraingan sa mga naging katuwang nito sa matagumpay na pagsasagawa ng TreeVolution Program.