Pinanindigan ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang kanilang posisyon sa inihaing petition for Writ of Kalikasan at Continuing Mandamus na sumalang na sa oral argument at ibinasura ng Supreme Court (SC).
Kaugnay nito, inihirit ng IBP sa Korte Suprema na mabigyan sila ng palugit at tiyansa para makausap ang mga mangingisda mula sa Palawan at Zambales na tumatayong mga petitioners sa kaso.
Sa statement na inilabas ng IBP na pirmado ng kanilang Presidenteng Atty. Domingo Egon Cayosa, dahil na rin umano sa akusasyon ni Solicitor General Jose Calida laban sa IBP na misrepresentation, hiniling nilang bigyan sila ng pagkakataon para makadayalogo muna ang mga mangingisda.
“Considering the new allegations by the Office of the Solicitor General, the handling lawyers will request the Supreme Court for time to confer with the fishermen in Zambales and in Palawan so that they can more appropriately act on the developments in the case,” base sa statement.
Una rito sa isinagawang oral argument noong Martes, ibinunyag ni Calida na ilan umano sa mga mangingisda na petitioners ay pumirma nang walang identification cards habang ang ilan ay pinasinungalingan ang mga pirma at ang 19 ay nag-withdraw na sa kaso.
Kung maalala, ngayong araw ang ibinigay na deadline sa magkabilang panig na magsumite ng mosyon at inaasahang dedesisyunan ito ng mga mahistrado sa darating na en banc session sa Martes.