-- Advertisements --

Hinimok ng watchdog group na Bantay Bigas ang pamahalaan na suriin ang presyo ng regular-milled rice dahil posible umano itong pumalo sa P60 kada kilo.

Ayon kay Bantay Bigas spokesperson Cathy Estavillo, ang presyo ng regular-milled rice sa malalaking pamilihan sa Metro Manila ay naglalaro sa P54 hanggang P55 kada kilo habang sa maliliit namang palengke ay ibinibenta ang bigas sa halagang P56 kada kilo.

Ang premium naman nasa P65 hanggang P68 kada kilo. Saad ni Estavillo na ngayon pa lamang mabigat na sa bulsa ng mga mamimili ang P54 kada kilo, mas lalo pa aniya kung tataas pa presyo kada kilo ng bigas bunsod na rin ng epekto ng El Nino sa mga pananim na palay.

Umaasa naman si Estavillo na magagawan ito ng paraan ng pamahalaan na hindi na sumipa pa sa P60 ang kada kilo ng bigas.

Nagbabala din ito na lalawak pa ang mga Pilipinong kakalam ang sikmura dahil hindi nila ma-afford ang presyo ng bigas.

Kayat sa halip aniya na dumipende sa importasyon, dapat na tulungan ng pamahalaan ang mga lokal na magsasaka para mapataas ang produksiyon ng bigas sa bansa.