Hinikayat ni Senador Sherwin Gatchalian ang pamahalaan na mamuhunan sa modernisasyon ng agrikultura at pagpapaunlad ng irigasyon upang mapabuti ang seguridad ng pagkain sa bansa.
Ang pahayag ni Gatchalian ay sa gitna na rin ng patuloy na paglobo ng populasyon sa Pilipinas.
Ayon sa senador, kung hindi sisimulan ng gobyerno ang isang komprehensibong programa sa modernisasyon ng sektor ng agrikultura, magiging mahirap para sa bansa na makamit ang seguridad sa pagkain, lalo na sa suplay ng bigas.
Iginiit pa nito na dahil sa tuluy-tuloy na paglaki ng populasyon ng bansa, kinakailangan na maghangad ng pagtaas ng productivity sa pamamagitan ng modernisasyon ng sektor ng sakahan, kabilang ang paggamit ng mga modernong kagamitan sa pagsasaka.
Ipinunto ni Gatchalian na kailangang magkaroon ng whole-of-government approach, kung saan ang mga local government units ay gaganap nang malaking papel upang epektibong maisulong ang modernisasyon, partikular sa mga lugar kung saan nangangailangan ng suportang pinansyal at kooperasyon.
Ang populasyon ng bansa ay tinatayang umabot sa 112 milyon noong 2023, batay sa inaasahang rate ng paglaki ng populasyon gamit ang resulta ng 2020 census, ayon sa Commission on Population and Development.